Bawat tao may kanya-kanyang buhay....
Bawat buhay may kanya-kanyang kwento...
Ito ang aking kwento na hango sa bakya... bilang Tomasino...
Ito ang aking mga kwentong bakya...
Dalawang taon na ang nakakaraan ng magsimula akong maki-upo sa mga silid aralan ni Tomas. Sa mga panahong iyon marami na rin akong natutunan, naranasan at marami na rin akong naunawaan. Binigyan din ako ni Tomas ng mga bagong mga kaibigan, mga kabarkada at mga kasama. Mga kaibigan na magbabahagi sa iyo ng kanilang mga buhay-buhay, mga pribadong sikreto, mga adhikain, mga pananaw at mga ambisyon. Doon rin sa silid-aralan ni Tomas natuto akong makiiyak, makitawa, makisigaw, makibulong, makisulat, makidikta, makiisip at makisagot.
Sa dalawang taon na inupo ko sa mga silid-aralan ni Tomas ay masasabi ko na marami na nga akong natutunan pero ang mga kaalamang iyon ay hindi batayan upang masabi ko sa aking sarili na kaya ko nang harapin ang mundo.
Dalawang taon pa ang aking bubunuin... pagsisikapan.. at paghihirapan upang marating ko ang hangganan ng arko at masabi sa aking sarili na isa na akong ganap na Tomasino...
Malayo pa ang aking tatahakin... at sa nalalabing dalawang taon marami pa akong magagawa...
paalam na kaibigan...
ubos na ata ang tinta ng aking pluma...
hanggang sa susunod na kabanata ng aking kwento...
mga kwentong bakya... ating pakinggan... tayo'y matuto...
paalam... apir muna tayo...